AKO ay naghanda ng puting tarheta,
sa gitna’y may pusong mapulang-mapula;
ito’y kasimputi ng aking panata,
ito’y kasindugo ng aking pagsinta.
MAY lunti pang lasong dito’y nakakabit,
kulay ng pag-asa’t aking pananalig;
ang laman ng diwa’t kumakabang dibdib
ay nakalimbag ding mga gintong titik.
AKING isinulat ang iyong pangalang
singyumi’t sintamis ng iyong kariktan;
nilagdaan ko rin ng aking palayaw
na nasa bigkas mo kung may kabuluhan.
PARANG puso ko rin — huwag kang mamangha —
ito’y hindi biro, ito’y hindi daya;
ang inaasam ko ay puso ring sutla,
sa pag-asang yao’y puso mong dakila.
Sa araw ng puso — nasa kalendaryo —
pusong pulang sutla ay para sa iyo;
alin pa ang langit kapag nanagano
sa rosas mong labi’t dibdib na mabango.
Sa masayang araw at hanging maaya,
ang sinugong puso’y sasaiyong ganda;
ito’y magsasabing sa tuwa at dusa,
ang “Valentine” ko’y ikaw — walang iba!