KAHAPON...
Sa tingin ko’y tila pawang kalumbayan
ang inihahandog ng lahat ng bagay,
pati ng mabangong mga bulaklakan
ay putos ng luksa at pugad ng panglaw;
akala ko tuloy itong Daigdigan
ay isang mallit na libingan lamang.
Mangyari, Kahapon
ang dulot mo’y lason.
NGAYON...
Sa mga mata ko ay pawang ligaya
ang inihahandog ng bawa’t makita,
pati ng libingang malayo’t ulila
wari’y halamanang pugad ng ginhawa;
sa aking akala’y tila maliit pa
itong Daigdigan sa aking panata.
Papaano, Ngayo’y
nagwagi ang layon.
BUKAS...
Sino baga kaya ang makatatatap
ng magiging guhit nitong ating palad?
Ang buhay ng tao ay lunday sa dagat
na inaamihan at hinahabagat;
itong Daigdigan ay isang palanas
na nabibinhian ng lungkot at galak.
Bukas! Ang pag-asa’y
mahirap mataya...